• June 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 sugatan, 2 bumbero nahirapang huminga sa sunog sa Valenzuela

SUGATAN ang dalawang indibidwal habang dalawa pang bumbero ang nahirapang huminga sa makapal na usok sa sunog na sumiklab sa Valenzuela Gateway Complex (VGC) sa Valanzuela City, Huwebes ng umaga.

Kapwa nagtamo ng 1st degree burn sina alyas “Hasim” 45, at babaing vendor na si alyas “Tatowa” 51, matapos silang madikit sa nagliliyab na lona at plastic habang isinasalba ang mga paninda sa nasusunog nilang puwesto.

Kaagad namang nilapatan ng pang-unang lunas ang dalawang bumbero matapos mahirapang huminga dulot ng nalanghap na makapal na usok habang inaapula ang apoy.

Sa ulat ni Valenzuela Bureau of Fire Protection (BFP), F/Sr. Insp. Steven Olitoquit, nagsimulang sumiklab ang apoy alas-5:40 ng umaga sa isang commercial establishment sa VGC sa Barangay Paso de Blas na mabilis na kumalat sa magkakatabing establisimiento.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago nakontrol ang apoy ng alas-7:11 hanggang tuluyang maapula ng alas-9:48 ng umaga.

Sa pahayag ng isang security guard ng naturang complex, posible umanong nagmula sa electrical wiring ang apoy dahil may nakita siyang kumislap sa commercial building na pinagmulan ng apoy hanggang mabilis itong kumalat sa mga katabing establisimeinto.

Batay sa paunang ulat ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela, mahigit 100 stalls at pitong residential houses ang naapektuhan ng insidente kung saan pansamantalang nananatili sa evacuation center sa 3S Center Paso de Blas ang mga apektadong residente.

Pinaaalalahanan naman ni Mayor Wes Gatchalian ang publiko na mag-ingat, magsuot ng face mask kung kinakailangan, at manatiling ligtas, lalo na ang mga nasa kalapit na lugar.

Inaalam pa ng Valenzuela BFP ang halaga ng mga natupok na paninda at ari-arian sa commercial complex. (Richard Mesa)