Nagbigay ng paalala sa mga nagda-drive na inaantok:DENNIS, malaki ang pasasalamat na nakaligtas ang panganay na si CALIX (ni: ROMMEL GONZALES)
- Published on May 27, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAAKSIDENTE, subalit salamat sa Diyos ay nakaligtas, ang panganay na anak ni Dennis Trillo na si Calix.
Si Dennis mismo ang nagbalita nito sa publiko sa pamamagitan ng kanyang social media post tungkol sa car accident na kinasangkutan ni Calix.
Base sa Facebook post ng multi-awarded actor, nangyari ang aksidente isang madaling araw habang nagmamaneho si Calix.
Naidlip diumano si Calix habang mag-isang nagmamaneho ng sasakyan.
Ayon sa FB post ni Dennis…
“Bumangga siya sa island at tumaob yung kotse. Total wreck.”
Wala naman raw ibang nadamay sa aksidente, pagbabahagi pa ni Dennis.
“May pasa sa ulo, braso, at maga ang kaliwang kamay.
“Hindi lahat ganito kasuwerte sa aksidente.”
“Salamat po at ganun lang ang nangyari,” dagdag niya.
Nagbigay din ng paalala si Dennis sa mga nagmamaneho sa kanyang post, na kung kung nakakaramdam na ng antok habang nagmamaneho ay mas mabuting huminto muna at umidlip sa halip na piliting ituloy ang pagbibiyahe.
Si Calix ay anak nina Dennis at dati nitong karelasyon na beauty queen-turned-actress na si Carlene Aguilar.
***
MAY ilang mga nagulat nang napabalitang ikinasal na ang aktor na si Polo Ravales dahil ang akala nila ay matagal ng kasal si Polo.
Anyways, iyon na nga, kamakailan ay ikinasal si Polo sa non-showbiz girlfriend niyang si Paulyn Quiza.
Sa kanyang Instagram Stories ay nag-share si Polo ng mga special moments mula sa kanilang kasal na ginanap nitong Linggo, May 24.
Nagbahagi rin ng kanyang mga post tungkol sa kasal ang matalik na kaibigan ni Polo na si Dingdong Dantes.
Sa mga videos and photos, nakasuot ang groom na si Polo ng white suit na may black na undershirt at bow tie.
Ang bride namang si Paulyn ay napakaganda sa kanyang off-shoulder mermaid wedding gown.
Noon pa engaged ang dalawa, year 2018 pa pala.
Year 2021 naman, makalipas ang tatlong taon, isinilang ang kanilang unang anak na si Patrick Paul.
Samantala, kapwa napapanood sa kasalukuyan sina Polo at Dingdong sa seryeng “Master Cutter,” na napapanood sa GMA Prime tuwing weekday sa ganap ng 8:00 pm. Napapanood din ito sa Netflix.
Sa direksyon ni Dominic Zapata, kabilang din sa cast ng “Master Cutter” sina Sienna Stevens, Shuvee Etrata, Anthony Constantino, Charlie Fleming, at marami pang iba.
(ROMMEL GONZALES)