• July 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Sen Imee kinuyog ng minorya sa ‘hao siao’ video

MISTULANG kinuyog ng mga miyembro ng Senate minority bloc ang isang video na ipinalabas ni Sen. Imee Marcos sa plenaryo nitong Lunes, Mayo 25.

Ipinapakita sa video ang umano’y pagpupulong nina Senate Mino­rity Leader Vicente Sotto III, House Speaker Bojie Dy, Cong. Ferdinand Hernandez, at dating Senate Secretary Mark Llandro Mendoza tungkol sa Charter Change at posibleng pagharang sa presidential bid ni Vice President Sara Duterte sa 2028.

Ayon kay Marcos, pinag-uusapan umano ang Constitutional Assembly para sa term extension ng mga mambabatas at ang pagtaas ng minimum age requirement sa pagtakbo bilang pangulo mula 45 tungo sa 50 taong gulang.

Tinawag itong pro­paganda ni Sen. Juan Miguel Zubiri at hiniling na tanggalin sa record. ‘Unparliamentary’ rin umano ang ipinakitang video ng senadora na isang propaganda at nag­hahasik lang ng intriga.

“Inday Badiday na ba tayo dito sa Senado? Kaya ang sinasabi, we are a circus. I apologize to those who are ­watching. Do you think we are a circus, because this type of language that we are pushing in this August chamber,” dagdag pa niya.

Mariin ding itinanggi ni Sotto ang partisipasyon sa Cha-cha at sumuporta sa mosyon ni Zubiri.

Para kay Sen. Erwin Tulfo, “fake news”

ang video. Iginiit din ni Sen. Risa Hontiveros na peke ang ipinakita habang nilinaw ni Sen. JV Ejercito na hindi napag-usapan sa Senado ang Cha-cha o ConAss.

Tinawag naman itong “hao siao” ni Sen. Raffy Tulfo at binalaan laban sa paggamit ng ­plenaryo para sa cons­piracy theories

“First time lang ako nakakita ng “hao siao” presentation kanina but before that let me tell you this, Sana huwag natin gamitin ‘yung plenary para sa conspiracy theories natin sana ma­ging totoo lang tayo,” ani Tulfo. (Daris Jose)