• May 27, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

4 drug suspects, timbog sa sugal sa Valenzuela

ISINELDA ang apat drug suspects kabilang ang 18-anyos na teenager nang maaktuhan naglalaro ng illegal na sugal kasama ng apat pang kelot sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Sa ulat ni Police Investigator P/MSgt. Carlito Nerit Jr. kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ng Police Sub-Station 6 sa D. Santiago St., Brgy. Malanday nang maaktuhan nila ang dalawang kelot na nagka-cara y cruz alas-9:30 ng gabi.

Nasamsam sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nakuha umano sa 18-anyos na si alyas “Lito”.

Nauna rito, huli rin sa akto ng mga tauhan ng Police Sub-Station 1 ang dalawang kelot na nagsusugal umano ng ‘lucky 9’ sa Wistaria St., De Castro Subdivision, Brgy. Paso De Blas alas-7:30 ng gabi at nasamsam sa kanila ang perang taya, baraha at isang plastic sachet ng umano’y shabu na nakuha alyas “Cliford”.

Naaresto rin ng mga tauhan ni Police Sub-Station 5 Commander P/Capt. Doddie Aguirre ang dalawang lalaki habang nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa San Diego St., Brgy., Arkong Bato alas-10:10 ng gabi at nakuha sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet ng umano’y shabu na nasamsam umano kay alyas “Efren”.

Samantala, nakumpiska naman ng mga tauhan ng Police Sub-Station 4 kay alyas “Jun” ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu nang mahuli sa akto na nagsusugal umano ng ‘Dice’ kasama ang isa pang lalaki pasado alas-3:19 ng hapon sa Area 3, Pinalagad, Brgy., Malinta. 

(Richard Mesa)