• May 27, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malakanyang, handang makatrabaho ang sinuman na maging lider ng Senado

HANDA ang Malakanyang na makatrabaho kung sinuman ang magiging lider ng Senado.

Ang importante ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang, ang anumang magiging trabaho ng Senado ay para sa interes ng taumbayan.

Nauna nang sinabi ni Senador Rodante Marcoleta na tanging ang liderato ni Senate President Alan Peter Cayetano ang walang basbas ng Malakanyang.

Binigyang diin ni Castro na walang isyu sa Pangulo kung sinuman ang magiging lider sa Senado.

“Sa Pangulo po, kung sinuman po ang leader po diyan, basta po ang gagawing trabaho ay para sa bayan at sa taumbayan, hindi po mag-aatubili ang Pangulo na makipag-ugnayan sa kanila,” ani Castro.

Gayunman, itinanggi ni Castro na may mahalagang papel ang Malakanyang sa pagbabago sa Senate leadership.

“Ang lahat po ng nangyayari sa Senado ay kanila po iyang pagdedesisyon, So wala pong kinalaman ang Pangulo sa kanilang mga pag-change ng leadership,” aniya pa rin.

At nang uriratin naman kung kumpiyansa ang Pangulo sa liderato ni Cayetano, sinabi ni Castro na hindi pa niya nakakausap ang Pangulo sa bagay na ito. ( Daris Jose)