Malakanyang, hindi kinontra ang paghahain ng reklamo ng isang doktor laban kay ES Recto
- Published on May 26, 2026
- by Francis Paolo Torres
HINDI kinontra ng Malakanyang ang ginawang paghahain ng reklamong plunder ng isang doktor laban kay Executive Secretary Ralph Recto kaugnay ng kontrobersyal na paglilipat ng pondo ng PhilHealth sa national treasury.
Ang katuwiran ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang, ang lahat naman aniya ng tao ay may karapatan na magsampa ng kaso.
“Ang tanong na lamang diyan ay ito ba ay mananalo o ito ba ay madi-dismiss? So, hintayin na lang po natin,” ang sinabi ni Castro.
Sa ulat, sinasabi sa reklamo ang kuwestiyonableng paglilipat ng bilyun-bilyong “unused” PhilHealth funds dahil maaaring naapektuhan nito ang benepisyo at serbisyong dapat para sa mga miyembro ng PhilHealth. Kasama rin sa reklamo ang alegasyong nilabag ang Universal Health Care Act at National Health Insurance Act.
Nauna nang iniutos ng Korte Suprema ang pagbabalik ng ₱60 bilyong pondo sa PhilHealth at pinigilan ang karagdagang paglilipat ng pondo matapos makita ang posibleng paglabag sa batas.
Samantala, sinabi noon ni Recto na ginawa niya ang hakbang nang may “good faith” at ayon umano sa mandato ng Kongreso. Iginiit din niyang wala siyang criminal liability sa naturang isyu. ( DARIS JOSE)