• May 27, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB IPINATUPAD ANG PAGPAPABILIS NG PROSESO NG APPLICATION FOR EXTENSION OF CPC VALIDITY

IPINATUPAD ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagpapabilis ng proseso para sa lahat ng aplikasyon ng Extension of Validity ng Certificates of Public Conveyance (CPC).

Alinsunod ito sa Public Service Act, Republic Act No. 11032 o Ease of Doing Business Law, at umiiral na jurisprudence.

Ang CPC ay dokumentong nagbibigay pahintulot sa operasyon ng pampublikong sasakyan. Ang aplikasyon para sa extension ay hindi bagong proseso, kundi pagpapatuloy lamang ng umiiral na prangkisa. Kinakailangan lamang ipakita na ang operator ay patuloy na sumusunod sa mga kondisyon ng naunang pagkakaloob ng CPC.

Para sa mga unit na nananatiling tapat sa kanilang pangako na magbigay ng maayos na serbisyo sa publiko, hindi na kinakailangan ang panibagong pagdinig upang ma-extend ang bisa ng CPC, ayon kay Chairman Vigor Mendoza.

“Ang pag-renew ng CPC ay iba sa unang aplikasyon. Sa renewal, napatunayan na ang pangangailangan ng publiko at kwalipikado na ang operator. Ang hinihiling lamang ay ipagpatuloy ang serbisyong dati nang pinahintulutan,” ani Chairman Vigor.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap ng pamahalaan upang pabilisin ang serbisyo, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na ipatupad ang batas sa ease of doing business.

Kamakailan, naglabas ang LTFRB ng Memorandum Circular No. 2026-035 na nag-aalis sa requirement ng publikasyon ng notice of hearing sa mga pahayagan, upang higit pang mapabilis ang proseso ng aplikasyon ng prangkisa.

“Malinaw ang aming layunin: gawing madali at maginhawa ang lahat ng transaksyon para sa aming mga kliyente, at iparamdam sa kanila na sila ay mahalagang katuwang ng pamahalaan para sa kapakanan ng riding public,” dagdag ni Chairman Vigor.

“Tiwala kami na ang pagpapadali ng proseso ay magreresulta sa mas mahusay na serbisyo para sa milyun-milyong Pilipinong commuter,” aniya pa.

Sa ilalim ng Memorandum Circular 2026-038 na nilagdaan noong Mayo 19, inaatasan ang lahat ng operator na magkaroon ng gumaganang, valid na email address bilang opisyal na linya ng komunikasyon para sa lahat ng abiso at proseso ng Board.

Ang email ay magsisilbing plataporma para sa pagsusumite ng mga dokumento bilang bahagi ng digitalization efforts ng pamahalaan, kabilang na ang LTFRB.

Inaasahang magiging epektibo ang Memorandum Circular bago matapos ang buwan. (PAUL JOHN REYES)