ERIC, naka-relate sa ‘Project Baby’ dahil gusto na ring magkaanak kahit walang ka-partner (ni: ROHN ROMULO)
- Published on May 22, 2026
- by Francis Paolo Torres
DAHIL tungkol sa pagkakaroon ng anak ang latest offering ng Regal Entertainment, ang ‘Project Baby’ na pinagbibidahan nina Sue Ramirez at Rico Blanco, naka-relate si Eric Quizon na nagdirek ng movie na mula sa panulat ng award-winning filmmaker na si Jose Javier Reyes.
Ang kuwento ng “Project Baby” ay tungkol kay Sandy Montecillo (Sue) na gustong magkaanak pero ayaw magkaasawa kaya gagawin niya ang lahat para mapapayag si Migo Andrade (Rico) na maging “sperm donor”.
Kaya tanong si Direk Eric tungkol sa pagkakaroon ng anak.
“Karamihan sa mga kapatid ko, ayaw mag-asawa. Kasi we grew up na hindi kasal ang daddy (Comedy King Dolphy) ko,” kuwento niya.
“So, a lot of us believe that baka ganoon din naman lang…kasi, at that time, ang problema, marriage, di ba? Kung magpapakasal o hindi.
“So we grew up in a family na medyo ganu’n. Na yung daddy namin, hindi kasal.”
Dagdag pa niya, “So, halos lahat ng mga kapatid ko, hindi kasal. And ano, ha, by choice. By choice.
“Talagang ayaw nilang magkaroon ng partner. Kasi, ang feeling nila, maghihiwalay din.
“So that’s why when I read the script of Direk Joey, sabi ko, maganda kasi siya. Kasi, of course, the treat is like a comedy nga. Na ang approach, parang, ‘O, gusto ko ng baby, ganun, ayoko ng partner.’”
Malapit na pala siyang maging senior citizen, kaya naiisip daw talaga na makaron na ng anak.
“All the time, all the time. Parang matagal ko nang iniisip yan. Matagal ko nang gustong gawin yan.
“Of course, I’m not getting any younger. I cannot say when pero kung kailan talaga, but definitely yes,” pahayag pa ni Direk Eric.
Kasama rin sa cat sina Matt Lozano, Arra San Agustin, Yasser Marta, Alex Calleja, Kimson Tan, Christian Ty, Shecko Apostol, Charuth, Drei Arias, Jonathan Perez, Jazzil Sarinas, at Alice Dixson.
Showing in cinemas nationwide ang “Project Baby” sa June 10.