• May 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

6 pasaway, nalambat sa ‘Oplan Galugad’ sa Valenzuela 

TIKLO ang anim na indibidwal kabilang ang tatlong drug suspects nang maaktuhan naglalaro ng illegal na sugal sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Sa ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ng Police Sub-Station 3 sa Libra St., Batimana Compound, Brgy., Marulas nang maaktuhan nila ang dalawang kelot na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ alas-7:25 ng gabi.

Nakumpiska sa dalawang inaresto ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nasamsam kay alyas “Edmar”, 39.

Nauna rito, natimbog ng mga tauhan ng Police Sub-Station 1 ang dalawa ring lalaki habang nagsusugal naman umano ng ‘lucky 9’ sa tabi ng isang covert court sa Jasmin St., Brgy., Paso De Blas dakong alas-3:40 ng hapon.

Nakuha sa kanila ang perang taya, gamit na baraha at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakumpiska umano kay alyas “Randy”, 35, helper.

Pasado alas-11:30 naman ng gabi nang maaresto ng mga tauhan ng Police Sub-Station 7 ang dalawang kelot habang nagsusugal din umano ng ‘cara y cruz’ sa Northville 1, Casarival, Brgy., Bignay. Nasamsam sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet umano’y shabu na nakumpiska kay alyas “Jerome”, 31.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-illegal Gambling Law) habang karagdagan pa na kasong paglabag sa R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang kakaharapin ng tatlong nakuhanan ng droga. (Richard Mesa)