Quezon City LGU hinikayat publiko sa All aBoard Expo 2026
- Published on May 21, 2026
- by Francis Paolo Torres
HINIKAYAT ng Quezon City local government ang publiko na dumalo sa All aBoard Expo 2026, na itinuturing na pinakamalaking board game expo sa Southeast Asia.
Ayon sa QC LGU, libre ang admission para sa mga QCitizen at mga batang edad 12 pababa.
Maglalaan din ng libreng QCity Bus rides at shuttle services mula sa ilang key pickup points kabilang ang Cubao, Litex, General Luis, Mindanao Avenue, Gilmore, CI5 (Ortigas Exit), at Muñoz papunta sa QC MICE Center.
Tampok sa expo ang interactive exhibits, gaming zones, educational displays, at iba’t ibang aktibidad na layong hikayatin ang pagkatuto at kritikal na pag-iisip sa pamamagitan ng paglalaro.
May minimal entrance fee na P150 para sa mga hindi residente ng Quezon City. Nakipag-partner din ang lokal na pamahalaan sa ilang hotel, kabilang ang Seda Hotel, para sa discounted room rates ng mga dadalo.