• April 23, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM AT RECTO, PINAPASAGOT SA RESULTA NG MEDICAL TEST

PINAKOKOMENTO ng Korte Suprema si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Acting Executive Secretary Ralph G.Recto sa petisyon na inihain ni Pantaleon D. Alvarez at iba pa na humiling na isa publiko ang resulta ng kanyang medical test.
Inatasan din ng SC ang Pangulo at co-respondent na magkomento sa loob ng hindi na mapapalawig na 10 araw mula sa pagtanggap ng abiso.
Sa kanilang 12-pahinang petisyon, hinihiling ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez at iba pa ang pag-isyu ng writ of mandamus na nag-uutos sa Pangulo na sumailalim sa pisikal at mental na pagsusuri, kabilang ang hair follicle drug test.
Hiniling din ng mga petitioners ang pagsasapubliko ng medical report na nagpapakita ng resulta ng pagsusuri, kasama ang medikal at klinikal na kumpirmasyon ng kanyang pisikal at mental na kakayahan upang gampanan ang mga kapangyarihan at tungkulin ng Pangulo.
Sa petisyon , nakasaad na ang kakayahan at kapasidad ng respondent bilang pinuno ng pamahalaan ay nakaapekto sa lahat ng aspeto ng operasyon at direksyon ng patakaran nito.
“Binibigyang-pansin namin ang Korte Suprema sa kawalan ng anumang executive proclamation o utos na may malinaw, positibo, at epektibong aksyon bilang tugon sa nararamdamang epekto sa sosyo-ekonomiko ng taumbayan… dulot ng digmaan sa Gitnang Silangan,” ayon pa sa petisyon.
“Ang kredibilidad ng respondent ay labis nang naapektuhan kaya ang kanyang mga pahayag sa mga panayam at paglabas sa telebisyon ay napapawi ng impresyon sa kanyang sariling kilos at disposisyon,” dagdag nito.
Bukod kay Alvarez, kabilang din sa mga petitioner sina Juan Raña Raymundo Junia at retiradong heneral Virgilio Garcia sa kanilang kapasidad bilang mga rehistradong botante at nagbabayad ng buwis. (Gene Adsuara)