Robredo ‘di tatakbo sa 2028 national post
- Published on April 23, 2026
- by @peoplesbalita
TINIYAK ni Naga City Mayor Leni Robredo na wala na siyang balak tumakbo sa anumang pambansang posisyon sa 2028 at sa halip ay muling kakandidatong mayor ng kanilang siyudad.
Sinabi ni Robredo na marami pa siyang dapat gawin sa kanilang lugar kaya hindi tatakbo sa national post.
“Sigurado na ako sa sarili ko na hindi ako mag-national,” sabi ni Robredo sa 91.1 DWNX FM.
Inihayag din ng dating bise presidente na sa tingin naman niya ay maisasakatuparan ang mga nais pa niyang gawin para sa Naga City.
Ipinahiwatig ni Robredo na napakaikli ng panahon para sa kanyang unang termino kaya nais niyang ituloy ang mga nasimulan at muling tatakbong mayor ng siyudad.
“Ako sa tingin ko, ang three years maiksi. Maiksi siya para gawin ang lahat. In fact, very frustrating para sa akin… na marami ang gusto kong gawin na hindi ko mamadali,’ ani Robredo.
Binanggit din ni Robredo ang pagdaan sa tamang proseso at burukrasya kaya hindi nagiging mabilis ang paggawa ng mga dapat maisakatuparan.
“Dahil kailangan kong i-navigate ang bureaucracy. Dahil marami rin ang hindi ko control…Ako most probably, magsi-seek pa ako ng second term [as Naga City mayor],” ani Robredo.