₱278.8-M HALAGA NG SHABU NAKUMPISKA NG PDEA AT PNP SA 2 CHINESE NATIONALS
- Published on April 23, 2026
- by @peoplesbalita
NAKUMPISKA ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police (PNP), ang humigit-kumulang ₱278.8 milyong halaga ng pinaghihinalaang methamphetamine hydrochloride o mas kilala sa tawag na shabu, sa isang matagumpay na buy-bust operation noong Abril 21, 2026, sa Quezon City.
Ang operasyon ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng humigit-kumulang 41 kilo ng ilegal na droga, na itinago sa isang paper bag at mga kahon.
Bandang alas-10:20 ng gabi, nagsagawa ng entrapment operation ang pinagsanib na puwersa ng PDEA Special Enforcement Service (SES) at PDEA Regional Office–National Capital Region (RO-NCR) Regional Special Enforcement Team 1, katuwang ang PNP Quezon City Police District Drug Enforcement Unit, sa Andrade Street, Barangay Balingasa, Quezon City.
Naaresto sa operasyon ang dalawang suspek na kinilala lamang sa kanilang mga alyas na “Aye,” 33, at “Mok,” 32, kapwa mga Chinese nationals at residente ng General Trias, Cavite. Napag alaman din ng mga awtoridad na ang mga suspek ay nagtatrabaho bilang mga driver ng truck at ride-hailing sa Hong Kong.
Narekober din mula sa mga suspek ang isang Toyota Fortuner, isang Hong Kong passport, isang Hong Kong International Driving Permit, dalawang cellphone, at ang marked money na ginamit sa operasyon.
Pinuri ni PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez ang mga operating unit at binigyang-diin ang kahalagahan ng operasyon sa pagsugpo sa malawakang aktibidad ng pagbebenta ng droga.
“This successful operation underscores our unwavering commitment to dismantle drug networks that threaten our communities. The seizure of nearly ₱300 million worth of shabu is a major blow to illegal drug syndicates operating in the country,” sabi ni PDEA Chief.
Nagbabala rin siya sa mga dayuhang sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga na nananatiling mapagmatyag at matatag ang mga awtoridad ng Pilipinas.
“We will not allow the Philippines to be used as a transshipment hub or market for illegal drugs. Regardless of nationality, those who engage in this criminal activity will be pursued and held fully accountable under our laws,” dagdag pa ni DG Nerez.
Ang mga suspek ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) and Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II of Republic Act 9165, na kilala rin bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Kung mapapatunayang nagkasala, sila ay mahaharap sa pinakamataas na parusang habambuhay na pagkakakulong at multang aabot hanggang ₱10-M.
(PAUL JOHN REYES)