Ramil Madriaga, pumayag na silipin ng Kamara ang kanyang bank accounts
- Published on April 15, 2026
- by @peoplesbalita
LUMAGDA sa isang waiver si Ramil Madriaga, na nagsabing dating aide at umano’y bagman ni Vice President Sara Duterte para payagan ang Kamara na silipin ang mga bank accounts na nabanggit niya sa kanyang supplemental affidavit na isinumite sa House Committee on Justice.
Nilagdaan ni Madriaga ang bank secrecy waiver sa pagdinig ng komite ukol sa impeachment complaint laban kay Duterte.
Una dito, inihayag ni Madriaga na ginamit umano ang kanyang pangalan bilang “dummy” sa ilang bank accounts kung saan idinaan ang malalaking halaga ng pera.
Sinabi ni Madriaga na ilang “close associates” ni dating Presidente Duterte ang nagbukas ng bank accounts sa ilalim ng kanyang pangalan at ginamit na daan para sa milyong piso, kung saan ay inilipat sa pamamagitan ng bangko o inencashed.
“These were opened by people close to PRRD, who informed me that money will be transferred to these accounts for intelligence operation and for laundering,” pahayag ni Madriaga.
Si Madriaga ay dati umanong aide ni Vice President Duterte na nagdala ng pera sa ilang indibidwal batay sa kautusan umano ng VP.
Itinanggi ng VP na may kaugnayan siya kay Madriaga, na nagsabing nagsimulang magtrabaho kay Duterte mula 2018 at tumulong sa kanyang kampanya.
Kumita si Madriaga ng nasa P100,000 hanggang P150,000 para sa kanyang “serbisyo” sa dating Pangulong Duterte ngunit bilyong piso ang dumaan sa bank accounts na binuksan sa ilalim ng kanyang pangalan.
Hindi naman nito nabanggit kung magkano ang total na dumaan sa kanya umanong accounts.
(Vina de Guzman)