• April 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LIDER NG IBA’T IBANG MAKABAYANG GRUPO, NANANAWAGAN SA MAAYOS, PATAS AT TRANSPARENT NA PAGDINIG SA IMPEACHMENT PROCESS

NANANAWAGAN ang Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement, Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), Liga Independencia ng Pilipinas, People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), kasama ang iba’t ibang organisasyong tagapagtaguyod ng pananagutan at demokratikong proseso at mga loyalista at pro-BBM groups sa maayos, patas, at transparent na pagdinig sa impeachment process. Nag-rally ang iba’t ibang grupo alas 9 hanggang alas 11 ng umaga, April 14, 2026 sa harap mismo ng South Gate ng House of Representatives sa Batasan Road, Quezon City.
Ang impeachment ay isang lehitimong mekanismo ng Saligang Batas na nagsisiguro ng pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno. Hindi ito dapat hadlangan o takasan, bagkus ay harapin upang mapagtibay ang katotohanan at integridad ng serbisyo publiko.
Kaya ang panawagan ng iba’t ibang lider ng makabayang grupo ay huwag hadlangan ang impeachment proceedings, igalang ang proseso ng batas at institusyon, bigyang-daan ang patas na pagdinig at paglalahad ng ebidensya.
“Ang impeachment ay hindi laban sa sinuman, kundi para sa pananagutan at katotohanan. Hinihikayat namin ang ang Pangalawang Pangulo ng bansa na harapin ito. Kaya ang aming panawagan ay KARAPATAN NG SAMBAYANAN, ‘WAG HADLANGAN! VP Sara Duterte, harapin ang impeachment para sa katotohanan, para sa bayan!”, pahayag ng grupo.
(PAUL JOHN REYES)