Emosyunal habang binabasa ang affidavit… Madriaga, ibinunyag ang umano’y mga utos ng pamilyang Duterte
- Published on April 15, 2026
- by @peoplesbalita
IBINUNYAG ng testigong si Ramil Madriaga, na inutusan umano siya ng pamilyang Duterte upang tumulong sa pagpapalaya ng mga kumpiskadong kargamento na kalaunan ay natuklasang naglalaman ng bilyun-bilyong pisong halaga ng shabu.
Sa pagdinig ng House Committee on Justice, binasa ni Madriaga ang kanyang 49-pahinang supplemental affidavit kung saan detalyado niyang inilahad ang umano’y mga ugnayan at transaksiyon niya kina dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte at Pangalawang Pangulo Sara Duterte.
Ayon kay Madriaga, inatasan umano siya ni dating Pangulong Duterte noong 2017 hanggang 2018 upang tulungan si Manases Carpio sa isang hindi pa niya noon batid na gawain.
Kalaunan, nalaman niyang ito ay may kaugnayan sa pagpapalabas ng mga kumpiskadong “construction equipment” mula sa Bureau of Customs.
Sinabi ni Madriaga na nagkita sila ni Carpio sa Bonifacio Global City kung saan hiniling sa kanya na tumulong sa pagproseso ng pagpapalabas ng naturang kagamitan na na-flag ng ahensya.
Ngunit nang personal niyang puntahan ang Bureau of Customs makalipas ang ilang araw, natuklasan niyang ang tinutukoy na “construction equipment” ay mga magnetic lifters na umano’y naglalaman ng malaking halaga ng shabu.
Dagdag pa niya, ipinaalam sa kanya ng isang babaeng abogado na mahirap ilabas ang nasabing kargamento dahil ito ay itinuturing na “hot item.”
Matapos nito, iniulat umano ni Madriaga ang kanyang natuklasan kay Carpio at muli silang nagkita.
Aniya, iyon na ang huling pagkakataon na nasangkot siya sa isyu.
Gayunman, kalaunan ay nalaman niyang nawawala umano ang laman ng mga magnetic lifters—tinatayang hindi bababa sa 500 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P4.3 bilyon. ( Daris Jose)