• April 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NPC, KINONDENA ANG PAGLAGANAP NG FAKE NEWS SA GITNA NG KRISIS

MARIING kinondena ng National Press Club (NPC) ang paglaganap ng fake news at maling impormasyon sa panahon ng krisis dahil nagdudulot umano ito nang hindi nararapat na stress, pag-aalala o panic sa publiko.

Sinabi ni NPC President Leonel Abasola na hinihimok ng pamunuan ng pinakamatandang press organization sa bansa ang publiko na huwag tanggapin ang lock, stock at barrel information na nagmumula sa mga kuwestiyonableng source.

Ayon sa NPC, ang publiko ay dapat umasa lamang sa mga lehitimong mapagkukunan ng impormasyon at mga opisyal na mapagkukunan sa panahong ito ng mga krisis.

Nagbabala pa ito sa publiko na maniwala lamang sa mga pinagmumulan ng balita na mapapatunayan hindi sa mga impormasyong may posibilidad na makabaluktot sa totoong umiiral na sitwasyon.

Sinabi ng NPC na nitong buwang ay kinondena ng National Privacy Commission (NPC) at iba pang ahensya ng gobyerno na kinabibilangan ng Presidential Communications Office (PCO) at Philippine National Police (PNP), ang pagdagsa ng disinformation sa gitna ng pambansang krisis sa enerhiya.

“Fake news has no place in a democratic society like ours, thus the NPC is very much concern about this situation and would do its share to address the matter,” ani Abasola.

Sinabi pa niya na ang gobyerno ay naglabas na ng babala na ang pagpapakalat ng “fake news” sa panahong ito ay isang malubhang pagkakasala na nagbabanta sa pambansang katatagan.

Dagdag niya, idineklara ni PCO Secretary Dave Gomez ang “zero tolerance” para sa mga gumagawa ng balita para pagsamantalahan ang kasalukuyang sitwasyon ng enerhiya at ang mga indibidwal na mahuling nagkakalat ng maling impormasyon ay nahaharap ng hanggang anim na buwan na pagkakakulong sa ilalim ng Revised Penal Code, o hanggang isang taon kung ang pagkakasala ay ginawa online sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act. (Richard Mesa)