• April 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB, NAGBUKAS NG ONLINE PLATFORM PARA SA SERVICE CONTRACTING PROGRAM APPLICATION

INILUNSAD ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa pangunguna ng Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang paggamit ng online platform para sa pagtanggap ng aplikasyon sa Land-Based Service Contracting Program (SCP) ng pambansang pamahalaan.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na pabilisin ang pagbibigay ng tulong sa mga commuter, lalo na sa gitna ng epekto ng kaguluhan sa Gitnang Silangan sa presyo ng produktong petrolyo sa bansa.

“Sa kabila ng mga hamon, sinisiguro ng LTFRB na maihatid ang pinakamabilis at pinaka-maginhawang paraan ng serbisyo sa ating mga kliyente,” ani Chairperson Mendoza.
“Ito po ang bilin sa atin ng Pangulong Marcos sa nakaraang pagpupulong kasama si Secretary Banoy, at maayos po ang ating pagtupad,” dagdag pa niya.

Kabilang sa mga tulong na tinalakay ng Pangulo kasama ang DOTr at LTFRB ay ang fuel subsidy at service contracting program. Sa kasalukuyan, isinasapinal na ang karagdagang P10 kada litro na fuel subsidy, habang bukas na ang aplikasyon para sa service contracting program.

Saklaw ng programa ang mga bus na gagamitin sa EDSA Carousel at feeder routes, UV Express at modern jeepneys sa buong bansa, gayundin ang modern at tradisyunal na jeepneys sa Metro Manila at mga urban area sa mga probinsya.

Maaaring mag-apply ang mga kwalipikadong operator online sa pamamagitan ng Land-Based SCP (LBSCP) Registration System na may mga sumusunod na requirements:

• Pagsang-ayon sa LTFRB Terms and Conditions
• Bank account sa pangalan ng kwalipikadong operator
• Vehicle plate number at case number
• Global Positioning System (GPS) Provider

Para sa mga lugar na walang cellular signal para sa GPS, gagamit ng manual monitoring batay sa pagtukoy ng LTFRB.

Alinsunod sa direktiba ni Secretary Lopez, tiniyak ng LTFRB na mapapabilis ang proseso ng aplikasyon kung saan ang evaluation at onboarding ay matatapos sa loob ng 24 oras mula sa pagtanggap ng aplikasyon. Ang iskedyul ng operasyon ay ipapadala sa pamamagitan ng LBSCP registration system. (PAUL JOHN REYES)