PBBM, TUTUGON SA MGA SULIRANING ADMINISTRATIBO AT PINANSYAL NG LGUs
- Published on April 8, 2026
- by @peoplesbalita
NANGAKO si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tutugunan ang mga hamong kinakaharap ng mga local government units (LGUs), kabilang ang kakulangan sa kapasidad sa administrasyon, pananalapi, at teknikal na aspeto na nakaaapekto sa kanilang serbisyo.
Sa panunumpa ng mga opisyal ng Vice Mayors’ League of the Philippines sa Malakanyang, araw ng Lunes, sinabi ng Pangulo na isinusulong ng pamahalaan ang pag-amyenda sa Local Government Code katuwang ang Union of Local Authorities of the Philippines, Department of the Interior and Local Government, at Department of Economy, Planning, and Development upang mapabuti ang pamamahala at pananagutan.
Sinabi ng Pangulo na batay sa datos, 29 percent lamang ng LGUs ang nakapasa sa Seal of Good Local Governance noong 2023, habang ang iba ay may kakulangan sa pamamahala ng pondo, kahandaan sa sakuna, at serbisyong panlipunan.
Inihayag din ng Pangulo na 64 percent ng LGUs noong 2021 ay umaasa sa National Tax Allotment (NTA), at 71 percent ng kanilang kita ay mula sa panlabas na pinagkukunan.
Binanggit din ng Pangulo na marami rin ang nahaharap sa problema sa digital governance gaya ng mahinang internet, kakulangan sa ICT, at hindi malinaw na paghahati ng tungkulin sa pagitan ng pambansa at lokal na pamahalaan.
Bilang tugon, pinapalakas ng administrasyon ang koordinasyon ng pambansa at lokal na pamahalaan at itinutulak ang digitalisasyon ng serbisyo sa pamamagitan ng Electronic LGU System (eLGU).
Kabilang sa mga hakbang ang pagpapatupad ng Automatic Income Classification of LGUs Act at pagpapalawak ng Local Government Support Fund sa ilalim ng programang “Sa Bagong Pilipinas, Bawat Bayan Makikinabang,” upang pondohan ang mahahalagang proyekto tulad ng distribusyon ng bigas, imprastraktura sa kalusugan, at elektripikasyon sa kanayunan.
Maglalaan din ng tulong sa mga barangay sa pamamagitan ng Socio-Civic Projects Fund, kung saan bawat barangay ay makatatanggap ng tig-P100,000 na educational grant at kaparehong halaga para sa mga proyektong pang-imprastraktura.
“This will equip LGUs with the tools, the resources, and the clarity of mandate that they need to serve effectively,” ayon sa Pangulo.
“More importantly, they are designed to unlock the full potential of LGUs: make you more self-reliant, make you more responsive, and more competitive,” dagdag na pahayag ng Pangulo.
Itinatag noong 1988, ang Vice Mayors’ League of the Philippines (VMLP) na binubuo ng 1,634 na kasaping LGU ay isang organisasyon ng lahat ng mga bise alkalde sa bansa.
Pangunahing tungkulin nito ang makipagtulungan sa pambansa, lokal, at pandaigdigang mga katuwang upang maisulong ang epektibong lokal na batas, bumuo ng mga programa para sa pagpapalakas ng kakayahan sa paggawa ng batas, at itaguyod ang lokal na otonomiya.
( Daris Jose)