Tigil biyahe ng mga dyip nakaamba
- Published on April 8, 2026
- by @peoplesbalita
NASA kalahati na ng bilang ng mga operator ng passenger jeep na may ruta sa mga pangunahing lansangan ang nagtigil pasada na simula kahapon dahil sa hindi na makayanang taas na halaga ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay Orlando Marquez, national president ng Liga ng Transportasyon at Operators ng Pilipinas (LTOP), mas darami pa ang bilang ng mga passenger jeep na magtitigil pasada sa mga darating na araw dahil sa epekto ng mataas na halaga ng petrolyo.
Aniya, magsasagawa sila ng national assembly sa Miyerkules para desisyunan ang gagawing work stoppage ng mga operator ng passenger bus at mga trak.
Kahapon Martes, April 7, madadagdagan pa ng mula P17 hanggang P19 kada litro ang taas-presyo ng diesel na gamit ng mga pampasaherong sasakyan.
Kinastigo rin nito ang hindi paggamit ng pamahalaan sa emergency powers na naipagkaloob dito ng Kongreso.
Una nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Marso 25 ang pagsuspinde at pagbawas sa excise tax sa oil imports. Ang batas umano ay epektibo ng 15 araw makaraan ang anunsyo rito. Maaari umanong maglabas si Pangulong Marcos ng executive order para rito sa April 12 o sa April 13.
Kinondena rin ni Marquez ang aniya’y hindi na makayanang pagkakaloob umano ng pamahalaan ng fuel subsidy sa mga driver ng pampasaherong sasakyan na nasa P5,000.
Aniya, nagsumite ang isang chapter ng LTOP ng 168 qualified members pero 31 lamang ang nakatanggap ng cash aid.