Traffic enforcer, isinelda sa panunutok ng baril sa Caloocan
- Published on April 7, 2026
- by @peoplesbalita
KALABOSO ang 67-anyos na traffic enforcer nang tutukan ng baril at pagbantaan ang kapitbahay sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth, mahaharap ang suspek na residente ng Barangay 28, sa kasong Grave Threat at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act (RA 10591).
Lamabas sa imbestigasyon, dakong alas-12:01 ng hating gabi nang komprontahin at tutukan umano ng baril ng suspek ang 46-anyos na lalaking kapitbahay kasunod ng nakaraang pagtatalo.
Nagawa umanong maagaw ng biktima ang baril ng suspek bago humingi ng tulong sa mga tauhan ng Maypajo Police Sub-Station na naging dahilan ng pagkakaaresto sa matandang traffic enforcer.
Nakumpiska sa kanya ang isang kalibre .45 pistol na kargado ng dalawang bala at nang hanapan siya ng kaukulang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng nasabing baril ay walang naipakita ang suspek. (Richard Mesa)