• April 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malacañang: Nagpakalat ng fake news sa lockdown mananagot

TINIYAK ng Mala­cañang na pananagutin ang nasa likod nang pagkalat ng fake news na magkakaroon ng energy lockdown simula umano Abril 20, pati na ang emergency lockdown dahil umano sa COVID-19 Cicada variant.

Sinabi ni Presidential Communications Office Secretary Dave Gomez na hinahanap na ang mga nasa likod ng fake news sa tulong ng Department of Justice para mapanagot at maparusahan.

Tiniyak din ni Gomez na ipapataw ang pinakamabigat na parusa sa batas laban sa mga gumagawa ng mga ma­ling balita na ang layunin ay lituhin ang publiko.

“There will be no zero tolerance for those who maliciously and delibe­rately commit these acts to advance their personal or political vested interest,” ani Gomez.

Sinabi rin ni Secretary Gomez na ang paggamit ng mga pekeng balita sa social media platforms ay may katapat na parusa ng hanggang anim na buwang pagkakulong sa ilalim ng Revised Penal Code, at sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act, doble ang magiging parusa.

Isa aniyang seryosong krimen ang pangli­lito sa publiko kaugnay sa energy securiy, suplay, o presyo ng mga bilihin.

Sinabi rin ni Gomez na dapat mag-isip bago i-share ang mga nakukuhang impormasyon sa social media lalo na kung hindi naman sigurado.