Epekto ng patuloy na giyera sa Gitnang Silangan… Diesel papalo sa P170 kada litro ngayong linggo
- Published on April 7, 2026
- by @peoplesbalita
INAASAHAN ang posibleng pagsirit ng presyo ng diesel sa P170 kada litro sa susunod na linggo, habang patuloy na tumataas ang pandaigdigang presyo ng langis, na epekto ng patuloy na giyera sa Gitnang Silangan.
Batay sa source mula sa oil industry, maaaring P17 hanggang P19 ang dagdag na ipapatong sa presyo ng diesel sa Abril 7 habang mula P3 hanggang P5 kada litro naman sa gasolina.
Ang paggalaw ng presyo ay mas mataas sa nakalipas na linggo o P4.50 hanggang P12.90 kada litro para sa diesel at P1 hanggang P2.90 kada litro sa gasolina.
Sa price monitoring ng DOTr mula Marso 24 hanggang 30, ang regular diesel ay P105 hanggang P131.90 kada litro habang sa premium diesel ay P119.50 hanggang P140.20 kada litro.
Samantalang ang gasolina ay mula P84 hanggang P111.10 kada litro.
Dahil sa mataas na demand ng diesel, ayon sa source, kaya patuloy na tumataas ang presyo sa kabila ng mga limitasyon sa suplay hanggang hindi pa nabubuksan ang Strait of Hormuz na ruta sa pagkuha ng langis sa Persian Gulf, ang pangunahing pinagkukunan ng Pilipinas.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng Department of Energy (DOE) na magpapatupad ng mas mahigpit na aksyon laban sa hoarding ng mga produktong petrolyo sa merkado. (DARIS JOSE)