“Lifelong Learning Development Framework Act,” inihain ng isang mambabatas
- Published on April 7, 2026
- by @peoplesbalita
NAGHAIN ang isang mambabatas
ng panukalang magsusulong sa tuluy-tuloy na pagkatuto para sa mga manggagawang Pilipino.
Nakapaloob ito sa House Bill No. 08748, o ang panukalang “Lifelong Learning Development Framework Act,” na inihain ni
Rep. Nathan Oducado ng 1Tahanan Partylist.
Ayon kay Oducado, “Sa ekonomiya ngayon, hindi nagtatapos ang pagkatuto sa pagtatapos ng pag-aaral dahil ang mga kasanayan ay maaaring maluma sa loob lamang ng ilang taon.”
Ang HB 08748, na may pamagat na “An Act Establishing a Lifelong Learning Development Framework,” ay nagtatakda ng pambansang patakaran na sumusuporta sa patuloy na pag-upgrade ng kasanayan (skills upgrading), reskilling, at mas madaling pag-access sa mga oportunidad sa pagkatuto sa iba’t ibang yugto ng buhay-paggawa ng isang tao.
Dagdag pa niya, “Ang mga manggagawang hindi nakakapag-update ng kanilang kasanayan ay nanganganib mawalan ng trabaho o mapag-iwanan sa mas magagandang oportunidad. Habang gumagamit ang mga industriya ng mga bagong teknolohiya at sistema, dapat tiyakin na hindi naiiwan ang mga manggagawang Pilipino.”
Lumilikha ang panukala ng maayos na balangkas na maghihikayat ng pagtutulungan ng pamahalaan, mga institusyong pang-edukasyon, at mga industriya upang gawing abot-kaya, flexible, at angkop sa pangangailangan ng labor market ang tuloy-tuloy na pagkatuto.
“Ang panukalang ito ay tungkol sa pagprotekta sa trabaho, pagpapatatag ng mga pamilya, at pagbuo ng lakas-paggawa na kayang makipagsabayan hindi lamang ngayon kundi pati sa mga susunod na taon,” pagtatapos ni Oducado.
(Vina de Guzman)