Dating policewoman, itinumba sa Valenzuela
- Published on April 7, 2026
- by @peoplesbalita
LAGLAG sa selda ang dalawa sa limang suspek na sangkot umano sa pagpaslang sa isang dating policewoman nang maaresto ng pulisya sa follow-up operation sa Valenzuela City, Sabado ng hapon.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang mga nadakip na sina alyas “JR Tae”, 38, at alyas “Topak”, 40, habang tinutugis pa si alyas”Ponjaps” at dalawa pang hindi kilalang suspek na kanilang mga kasabuwat sa pagpatay sa biktimang si alyas “Joan”, 38, dating miyembro ng Philippine National Police (PNP).
Lumabas sa imbestigasyon na dakong alas-12:10 ng Sabado ng madaling araw nang pasukin at pagbabarilin ng dalawang suspek ang biktima sa loob ng kanyang bahay sa Matiyaga Street, Sitio Pinalagad, Brgy., Malinta, matapos umanong utusan ni alyas Topak si alyas JR Tae na ihatid ang dalawa sa lugar.
Kaagad bumuo ng Special Investigation Team si Col. Talento sa pangunguna ni P/Major Randy Llanderal kung saan unang nadakip ng mga tauhan nina P/Capt. Robin Santos ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) at P/Lt. Sherwin Dascil ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) si alyas JR Tae nang makita sa kuha ng CCTV na kausap niya ang dalawang suspek sa Pinagpala Ext. bago mangyari ang pagpatay.
Pilit na itinanggi ni ‘JR Tae’ na kilala niya ang dalawang suspek hanggang madakip din ang 25-anyos na si alyas “Bogart” na nagsilbing testigo matapos niyang ikanta na inutusan lang sila ni alyas Topak na sunduin ang dalawang suspek, sabay abot sa kanya ng P400 para pambayad sa grab service.
Pagdating ng dalawang suspek, nagtungo sila sa isang abandonadong bahay sa Area 3, Dumpsite upang mag-pot session hanggang marinig niya ang planong pagpatay sa biktima.
Sumunod na nasakote ng pulisya si alyas Topak bandang alas-2:50 ng Sabado ng hapon sa kanyang tirahan sa Pinalagad, Malinta kung saan nakumpiska sa kanya ang isang hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala at 55.28 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P375,904.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente habang mahaharap naman sa kasong murder sina alyas JR Tae, alyas Topak, alyas Ponjaps at dalawa pang hindi kilalang suspek.
Samantala, karagdagan na kasong paglabag sa R.A 9165 at R.A 10591 ang kakaharapin pa ni ‘Topak’. (Richard Mesa)