Pagsirit ng diesel iimbestigahan ng Kamara
- Published on April 4, 2026
- by @peoplesbalita
PINAIIMBESTIGAHAN ni Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima ang aniya’y extraordinary na pagsirit ng presyo ng diesel sa bansa.
Sa kanyang House Resolution (HR) No. 914, binigyang diin ni de Lima na dapat siyasatin kung paanong ang Pilipinas, na tulad ng ibang mga bansa ay umaangkat lang din ng langis, ang may pinakamataas ang presyo ng diesel sa buong mundo.
“The extraordinary rise in diesel prices has far-reaching consequences beyond motorists alone, as diesel is a critical input in public transportation, logistics, food distribution, power generation, agriculture, fisheries, and other essential sectors,” anang solon.
Sa HR 914 ni de Lima, binigyang-diin nito na dapat malaman kung patas at makatwiran ang presyuhan ng oil companies o nagsasagawa ba sila ng profiteering o sabwatan na sinamantala ang sitwasyon sa Middle East.
Aniya, dapat ding madetermina kung ang Republic Act. No 8479 o ang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998 ay sapat pa upang tiyakin ang patas na presyo nito sa merkado. ( Daris Jose)