• April 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 sa 6 na naaresto sa sugal sa Valenzuela, nakuhanan ng droga

TIMBOG ang anim na indibidwal kabilang dalawang hinihinalang drug personalities nang maaktuhan ng pulisya naglalaro umano ng ilegal na sugal sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Sa ulat, nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento nang maaktuhan nila ang tatlong lalaki na nagsusugal umano ng cara y cruz sa isang bakanteng lote sa Disiplina Village, Brgy., Ugong dakong alas-9:30 ng Miyerkules ng umaga.

Nilapitan nila ang mga ito saka nagpakilala bilang mga pulis na nakatalaga sa Police Sub-Station 8 bago inaresto at nakumpiska sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nakuha umano kay alyas “Lizardo”, nasa hustong gulang.

Nauna rito, alas-12:35 ng hating gabi nang matimbog naman ng mga tauhan ng Police Sub-Station 7 ang tatlong kelot na nagka-cara y cruz din sa Block 35, Ulingan St., Brgy., Lawang Bato.

Nasamsam sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakuha umano kay alyas “Jimuel”, nasa hustong gulang.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-illegal Gambling Law) habang karagdagan na kasong paglabag sa R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang kakaharapin pa ng dalawa na nakuhanan ng droga. (Richard Mesa)