• April 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

MGA DAYUHANG SANGKOT SA FINANCIAL FRAUD, INARESTO NG BI

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na dayuhan na may kaugnayan sa financial fraud at iba pang iligal na aktibidad sa serye ng mga operasyong isinagawa noong Marso 24 at 25, 2026. Pinangunahan ng BI Fugitive Search Unit (FSU), sa pamumuno ni Chief Rendel Ryan Sy, ang mga operasyon sa pakikipag-ugnayan sa mga intelligence at law enforcement partners, na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang Nigerian nationals sa Muntinlupa City at dalawang Korean fugitives sa Pampanga.

Naaresto sina Olawale Olatunji Adedayo, 46, at Dauzuo Jerome Atigbi, 34, kapwa Nigerian nationals, sa kahabaan ng Narra Street, Brgy. Putatan, Muntinlupa City. Nag-ugat ang operasyon reklamo ng isang kinatawan ng isang Philippine financial institution, kasunod ng mga ulat ukol sa mapanlinlang na pag-claim ng remittances sa ilang sangay nito.

Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alamang si Atigbi ay nagpanggap bilang lehitimong recipient ng mga remittances na ipinadala sa pamamagitan ng wire transfer. Iniulat na gumamit siya ng maraming passport na may magkakaibang pagkakakilanlan upang iligal na makuha ang mga pondo.
Sa isinagawang operasyon, nakarekober ang mga ahente ng ilang passport na may magkakaibang pangalan. Samantala, sa beripikasyon, nakumpirmang ang mga dokumentong ito ay may mga pekeng travel stamps at biographical data na hindi tumutugma sa mga rekord sa BI database, indikasyon na ang mga ito ay peke at ginamit upang maisakatuparan ang mga iligal na transaksyong pinansyal.
Napag-alaman ding kapwa overstaying aliens ang dalawang indibidwal at kasalukuyang sumasailalim sa immigration proceedings.

Sa hiwalay namang operasyon sa Angeles City, Pampanga, inaresto ng mga ahente ng BI-FSU si Lee Younho, 45, isang South Korean national na wanted ng mga awtoridad sa Seoul.
Si Lee ay may kinahaharap na arrest warrant na inilabas ng Suwon District Court dahil sa pagpapatakbo umano ng isang iligal na online gambling platform na nakalikom umano ng bilyun-bilyong Korean won mula sa iligal na operasyon. Siya rin ay subject ng isang Interpol Red Notice at nakalista na rin sa blacklist at watchlist ng BI bilang isang fugitive from justice.
Ayon sa mga awtoridad, pinatatakbo ni Lee ang isang online gambling site mula sa Pampanga kung saan pinadali niya ang mga aktibidad sa pustahan na kinabibilangan ng mga larong gaya ng baccarat, slot machines, at blackjack, at nakalikom ng iligal na kita sa pamamagitan ng koordinadong operasyon kasama ang kanyang mga kasabwat.
Sa follow-up operation na isinagawa rin sa Angeles City, Pampanga, inaresto ng BI-FSU agents ang isa pang South Korean national na kinilalang si Hong Hoon Kyu, 33, sa kahabaan ng Jose Abad Santos Avenue sa Clark Freeport.
Si Hong ay subject din ng isang Interpol Red Notice na inilabas noong Nobyembre 2025 at ng arrest warrant mula sa Seoul Central District Court dahil sa kasong fraud. Sa imbestigasyon, lumabas na siya at ang kanyang mga kasabwat ay nagtayo ng isang mapanlinlang na operasyon sa Pilipinas kung saan inaakit nila ang mga biktima sa pamamagitan ng social media advertisements na nangangakong magkakaroon ng garantisadong kita mula sa tinatawag na “Minesweeper” betting scheme.

Ayon sa mga awtoridad, hindi bababa sa labinlimang biktima ang nalinlang upang maglipat ng kabuuang KRW 300 milyon. Iniulat na mahalagang papel ang ginampanan ni Hong sa pagrerekrut ng mga biktima, pagkamit ng kanilang tiwala sa pamamagitan ng direct messaging, pagdidirekta sa kanila sa mga mapanlinlang na website, at pagkumbinsi na magdeposito ng pera sa mga account na binuksan gamit ang hiniram na mga pangalan.Batay sa records, pumasok si Hong sa Pilipinas noong Marso 2023 bilang temporary visitor at nanatili sa bansa lampas sa kanyang awtorisadong pananatili, dahilan upang siya ay maituring na isang overstaying alien. Siya rin ay subject ng umiiral nang blacklist at watchlist orders bilang isang fugitive from justice.
Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang matatag na paninindigan ng ahensya laban sa financial crimes at sa maling paggamit ng teritoryo ng Pilipinas ng mga dayuhan.

“Ang mga operasyong ito ay nagpapadala ng malinaw at matibay na mensahe — hindi papayagan ng Pilipinas na magamit bilang kanlungan ng mga financial fraudsters at fugitives,” ani Viado.

“Mas pinaigting namin ang aming mga hakbang upang matukoy at mabuwag ang mga sindikatong nagsasamantala sa financial systems at bumibiktima sa mga negosyo at indibidwal.

Ang mga dayuhang lumalabag sa ating immigration laws at sangkot sa mga iligal na gawaing pinansyal ay aarestuhin, ide-deport, at iba-blacklist.”Ang mga naarestong indibidwal ay mananatili sa BI Warden Facility habang nakabinbin ang kanilang deportation proceedings. (Gene Adsuara)