• April 1, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Sa gitna ng tumataas na presyo ng langis dulot ng krisis sa Middle East… 130,000 PASAHERO NAKINABANG SA LIBRENG SAKAY SA MAYNILA

NAKINABANG ang halos 130,000 pasahero sa unang araw ng libreng sakay ng jeep sa Maynila nitong Lunes, Marso 30.

Sa huling datos na iniulat ni Manila Mayor Isko Moreno- Domagoso, nasa 129,665 pasahero ang napagsilbihan hanggang alas-9:30 ng gabi nitong Lunes.

Layon ng libreng sakay na programa ng pamahalaang lungsod na maibsan ang dinaranas na hirap ng mga ManileƱo sa gitna ng tumataas na presyo ng langis dulot ng krisis sa Gitnang Silangan.

Sa nasabing programa, sinabi ng alkalde na sabay-sabay na nakinabang ang apat na sektor kabilang ang driver, operator, commuter at gasolinahan.

Ayon kay Domagoso, garantisado ang boundary ng mga operator sa ilalim ng programa at sasagutin ito ng pamahalaang lungsod.

Para naman sa mga driver, mula sa karaniwang P200 hanggang P300 na netong kita kada araw, itinaas ito sa hindi bababa sa P1,000 na garantisadong kita. Ibinibigay ang kalahati ng bayad bago bumiyahe, at ang natitirang kalahati ay ibinibigay matapos ang kanilang biyahe.

Ang libreng sakay na mga jeepney ay umiikot sa anim na distrito ng Maynila habang ipinatutupad ang programa. (Gene Adsuara)