MALABON LGU, KINONDENA ANG KUMAKALAT NA PEKENG TARPAULIN NI MAYOR JEANNIE
- Published on March 31, 2026
- by @peoplesbalita
NILINAW ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon na peke ang kumakalat na larawan ng umano’y tarpaulin ni Mayor Jeannie Sandoval na kahalintulad ng Mahal na Birheng Maria.
Ayon sa LGU, hindi ito totoo at batay sa kanilang pagsusuri ay AI-generated at manipuladong nilalaman na hindi nagmula at hindi inaprubahan ng tanggapan ng Punong Lungsod.
Peke rin anila ang kumakalat na pahayag ng umano’y paghingi ng paumanhin at hindi rin nagmula sa Mayor o sa alinmang opisyal na channel.
Iginiit ng Pamahalaang Lungsod na mahigpit sinusunod ng LGU ang mga alituntunin ng DILG na nagbabawal sa paglalagay ng larawan ng mga opisyal ng pamahalaan sa mga tarpaulin. Malinaw anila na ang kumakalat na imahe ay hindi lehitimo at walang kaugnayan sa alinmang opisyal na programa o komunikasyon ng lungsod.
“Ang ganitong paggamit ng banal na imahen ay isang kalapastanganan (sacrilege). Bilang isang debotong Katoliko, hindi kailanman gagawa o papayag si Mayor Jeannie Sandoval sa anumang makalalapastangan sa ating pananampalataya,” pahayag ng LGU.
Hinihikayat ng Pamahalaang Lungsod ang publiko na maging mapanuri at huwag basta magbahagi ng hindi beripikadong impormasyon at sumunod lamang sa mga opisyal at mapagkakatiwalaang pahayag. (Richard Mesa)