• April 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB, INATASAN ANG LAHAT NG RD NA MAGSAGAWA NG ROAD WORTHINESS INSPECTION SA MGA BUS AT PUV TERMINAL

INATASAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang lahat ng Regional Directors na magsagawa ng road worthiness inspection sa mga bus at iba pang pampublikong sasakyan sa mga terminal.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, mahalaga ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at mga ahensiya ng batas upang masiguro ang maayos na pagpapatupad ng mga patakaran sa kaligtasan sa kalsada.

“Taun-taon ay inaasahan natin ang pagdagsa ng mga pasahero at sasakyan patungo sa mga probinsya para sa mga gawaing panrelihiyon, bakasyon, at iba pang aktibidad,” ani Chairperson Mendoza.
“Layunin natin na masiguro ang kaligtasan ng mga mananakay at iba pang gumagamit ng kalsada sa pamamagitan ng pagtiyak na ligtas ang mga bus at PUV, gayundin ang pisikal at mental na kahandaan ng mga tsuper.”

Dagdag pa niya, dapat tiyakin ng mga lokal na opisyal ng LTFRB na ang mga operator ng terminal ay sumusunod sa mga regulasyon para sa kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero.

Kamakailan, pinaigting ng LTFRB ang inspeksyon sa mga terminal ng PUV matapos ang mga reklamo hinggil sa mga sira at hindi ligtas na pasilidad. Daang-daang terminal operators ang nabigyan ng show cause orders at notice of violations, habang ang ilan ay ipinasara dahil sa matinding paglabag sa mga patakaran.

“Bukod sa kaligtasan ng mga PUV sa kalsada, mahalaga ring masiguro na komportable at maayos ang pagtrato sa mga pasahero sa loob ng mga terminal,” dagdag ni Mendoza.
“Walang dapat palusot—ang mga lumalabag ay dapat papanagutin.”

Inaasahang milyon-milyong Pilipino ang uuwi sa kani-kanilang probinsya upang samantalahin ang mahabang bakasyon ngayong Semana Santa. Naghahanda na rin ang mga pwersa ng pulisya, at binigyang-diin ni Chairperson Mendoza na dapat handa rin ang LTFRB para sa kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero. (PAUL JOHN REYES)