DBM, tiniyak na may pondo para sa pagbibigay ng cash aid sa mga apektadong manggagawa
- Published on March 30, 2026
- by @peoplesbalita
TINIYAK ng Deparrtment of Budget and Management (DBM) na may pondo para suportahan ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa pagbibigay ng tulong pinansiyal para sa mga manggagawang apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Nilinaw ng opisyal na ito ay partikular na nakalaan lamang para sa mga nawalan ng trabaho, underemployed at seasonal workers.
Aniya, ipapaubaya na nila sa labor department ang pagtukoy kung anong uri ng mga programa ang ibibigay para sa mga minimum wage workers.
Ayon kay Acting Budget Secretary Rolando Toledo, naglaan ang DOLE ng P21.3 billion para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program.
Sakali man na kailanganing maglabas ng pondo, mayroong available na contingent fund. Liban dito, maaari ring gamitin ang National Disaster Risk Reduction and Management Fund.
Ginawa ng ahensiya ang pahayag matapos na kalampagin ng ilang grupo ng mga manggagawa ang pamahalaan na magbigay ng buwanang subsidiya para sa mahigit 5 milyong minimum wage earners sa bansa.
( Vina de Guzman)