Panukalang fuel price freeze, pinag-aaralan- Malakanyang
- Published on March 30, 2026
- by @peoplesbalita
MASUSING pinag-aaralan ng gobyerno ang panukalang price freeze sa petroleum products sa gitna ng alalahanin ukol sa epekto ng labanan sa Gitnang Silangan sa bansa.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang panukala ay kailangang balanse upang masiguro na walang sektor ang maaapektuhan.
“Hindi po natin sinabing hindi magpa-price freeze. Ang sabi po natin, aaralin po ito,” ang sinabi ni Castro.
Tinanong kasi Castro ukol sa alalahanin ng publiko hinggil sa naging deklarasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na state of national energy emergency sa halip na state of emergency dahil sa nagpapatuloy na girian sa Gulf region.
Binigyang diin ni Castro na kinokonsidera kasi ng gobyerno ang kapakanan ng mga consumers at ang viability ng oil industry.
“Ito po ay babalansehin at kung ano ang nararapat para po hindi lang isang sektor ang maaapektuhan,” aniya pa rin.
“Balanse para sa oil industries, balanse para sa taong bayan. So, hindi po natin sinasabing hindi magpa-price freeze. Pero ito po ay inaaral,” ang winika pa rin ni Castro.
Tinuran ni Castro na ang deklarasyon ng energy emergency ay mahalaga sa pagtugon sa pagkakagambala sa global oil supply na nakaapekto kapuwa sa ‘availability at pagpepresyo ng fuel products sa bansa.
Sinabi pa nito na nananatiling proactive ang gobyerno sa pagtugon sa situwasyon habang tinitiyak na ang aksyon nito at interbensyon ay naaayon sa batas.
“At maaari pong magsagawa ang ating pamahalaan ng kanilang katungkulan nang hindi lalabag sa batas. Ma-unlock natin ang mga funds na dapat natin magamit nang naaayon din sa batas,” aniya pa rin.
(Daris Jose)