• April 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

“Biyaheng Damayan: Libreng Sakay mula sa Kongreso,” inilunsad

NAGLUNSAD ang House of Representatives ng libreng sakay program nitong Huwebes bilang pansamantalang tugon sa lumalalang krisis sa transportasyon dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo at gasolina.
Ang proyekto na tinawag na “Biyaheng Damayan: Libreng Sakay mula sa Kongreso,” ay seserbisyuhan ang mga commuters mula sa San Jose del Monte, Bulacan hanggang Quezon City Rotonda, o mas kilalang Welcome Rotonda, balikan at dadaan sa Fairview Terraces.
Inilunsad ang nasabing programa nitong Huwebes ng umaga sa inisyatibo nila Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos.
“This is about making sure that government response is felt where it matters most—in the daily lives of our people. Habang tumataas ang presyo ng langis at pamasahe dahil sa mga pangyayaring wala sa ating kontrol, tungkulin nating tiyakin na may agarang tulong para sa ating mga kababayan,” sinabi ni Marcos.
Ayon kay Marcos, ang programa ay naaayon sa economic strategy ng kanyang ama, Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na kung saan lahat ng ahensiya ng gobyerno ay magbibigay tulong upang maibsan ang pahirap sa ekonomiya ng bansa.
“This libreng sakay initiative is part of the President’s whole-of-government approach to protect the purchasing power of Filipino families. Hindi puwedeng puro long-term solutions lang. Kailangan may agarang ginhawa para sa mamamayan habang inaayos natin ang mas malalaking usapin sa ekonomiya,” dagdag ng kongresista.
Sa nasabing programa, apat na bus ng Kamara ang magseserbisyo tuwing Lunes, Huwebes at Biyernes, simula nitong Huwebes, March 26, tuwing “peak hours” 5:30 a.m. hanggang 8:00 a.m. at 4:00 p.m. hanggang 7:00 p.m. Ayon kay Marcos, temporary lang muna ang operation hanggang mataas ang presyo ng krudo o gasolina at patuloy ang pagdurusa ng mga commuters.
Nagbigay pahintulot ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa nasabing programa. Sa isang liham kay House Secretary-General Cheloy Velicaria-Garafil, sinabi ng LTFRB na hindi na kailangan ng special permit dahil ang mga nasabing bus ay official government vehicles at walang hinihinging pamasahe.
(Vina de Guzman)