Garbage collector, huli sa aktong nagdo-droga sa harap ng anak
- Published on March 27, 2026
- by @peoplesbalita
KULUNGAN ang kinasadlakan ng 32-anyos na basurero nang mahuli sa akto na sumisinghot ng shabu sa harap mismo ng paslit niyang anak sa Valenzuela City.
Sa ulat ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, dakong alas-7:10 ng gabi nang maaresto ng mga tauhan ng Police Sub-Station 2 alyas “Jerome” sa kanilang bahay sa San Gregorio St. Brgy. Gen. T. De Leon.
Habang nagsasagawa ng “Oplan Galugad” ang mga tauhan ng SS2 sa nasabing lugar nang mapansin nina P/Cpl. Elmer Olieca at Pat. Sherwin Caampued ang paggamit ng shabu ni ‘Jerome’ sa kanilang tirahan.
Nang lapitan ng mga pulis, kitang-kita ang ginagawang pagsinghot ng shabu ng suspek sa harap mismo ng isa’t kalahating taong gulang niyang anak.
Nakumpiska ng mga pulis sa suspek ang isang plastic sachet na may bahid ng shabu, alluminum foil, improvised burner at dalawang disposable lighter.
Na-inquest na ang suspek sa mga kasong Illegal Possession of Drug Paraphernalia at Use of Dangerous Drugs ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)