• April 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

MILYON-MILYON HALAGA NG SHABU, NABISTO SA PORT OF CLARK

BISTADO sa Port of Clark ang tinatayang P3.536 milyong halaga ng hinihinalang shabu na itinago sa loob ng motor filter nang masabat ito ng Bureau of Customs sa pakikipag-ugnayan sa Clark Interagency Task Force Against Illegal Drugs.
Nagmula sa Zambia ang shipment at nakatakdang ipadala sa Cavite.
Nadiskubre ang iligal na droga matapos ma-flag sa X-ray Inspection Project ng BOC at magpositibo sa K-9 sniff test, dahilan upang isailalim ito sa masusing inspeksyon.
Sa isinagawang pagsusuri, natagpuan ang limang sachet ng puting kristal na substansya na kalauna’y nakumpirmang methamphetamine hydrochloride, isang ipinagbabawal na gamot sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Naglabas ng Warrant of Seizure and Detention si BOC Port of Clark District Collector Jairus S. Reyes laban sa shipment dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act, kaugnay ng RA 9165.
Ipinag-utos din ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang pagpapatibay ng operasyon laban sa iligal na droga bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan sa ilalim ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang maprotektahan ang publiko laban sa epekto ng ipinagbabawal na gamot.
(Gene Adsuara)