• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

SPECIAL PAYOUT, nakatakdang ilunsad para sa TRANSPORT WORKERS, DRIVERS na wala sa initial master list — PBBM

SINABI ng Malakanyang na isasama sa special payout ang mga jeepney drivers at transport workers na hindi nakasama sa initial master list ng fuel subsidy program.
Nakahanay ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na wala ni isa man ang maiiwan.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary and Palace Press Officer Claire Castro, maglulunsad ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Transportation (DOTr) ng special payout para sa jeepney drivers at transport workers na hanggang sa ngayon ay hindi pa nakatatanggap ng P5,000 financial assistance mula sa gobyerno.
“Maglalaan kami ng araw for special payout para makatanggap din ang nasabing mga tsuper at driver ng limanlibong mula sa cash gift assistance program sa ilalim ng AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situation) program ng DSWD,” ang sinabi ni Castro.
Winika pa ni Castro na kapuwa sinabi nina DSWD Secretary Rex Gatchalian at DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez na may ilang drivers ang hindi nakasama sa master list ng fuel subsidy program dahil sa iba’t ibang dahilan gaya ng ‘duplicate entries, incorrect data, o nabigong makapag-rehistro sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB).
“Maaaring nagkadoble ng entry o kulang ng detalye ang kanilang mga pangalan o kaya di narehistro sa LTFRB,” ang tinuran ni Castro.
Muling inulit naman ni Castro ang sinabi ni Pangulong Marcos na ” no one will be left behind” sa pamamahagi ng financial aid.
“Pero sa utos ng Pangulo, walang maiiwan,” aniya pa rin.
Samantala, pinayuhan naman ni Castro ang mga drivers na ihanda ang mga kinakailangang dokumento para patunayan ang kanilang eligibility bago pa ang special payout. ( Daris Jose)