29 BABAENG PDLs, NAKATANGGAP NG LIBRENG LEGAL ASSISTANCE MULA SA CALOOCAN LEGAL DEPARTMENT
- Published on March 27, 2026
- by @peoplesbalita
NASA 29 babaeng Persons Deprived of Liberty (PDLs) na kasalukuyang nakakulong sa Caloocan City Police Station – Custodial Facility Unit bilang ang nakatanggap ng libreng legal services na inisyatiba mula sa City Legal Department bilang bahagi ng mga aktibidad ng lokal na pamahalaan sa pagridiwang ng International Women’s Month.
Ang nasabing inisyatiba ay nagbigay ng legal na payo sa mga babaeng PDL kaugnay ng mga kasong isinampa sa korte na may layuning gawing accessible ang mga serbisyo ng pamahalaang lungsod kahit sa mga pinaka-mahina na sektor ng komunidad.
Sinabi ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na habang ang kanyang administrasyon ay nananatiling nakatuon sa pagtataguyod ng hustisya at panuntunan ng batas, ang mga karapatan ng mga tao, lalo na ang mga nasa ilalim ng preventive custody, ay dapat bigyan ng pinakamataas na antas ng paggalang.
“Lagi po nating sinasabi, walang puwang ang krimen at karahasan sa ating lungsod lalo na ang mga nang-aabuso sa kabataan at kababaihan. Ngunit kahit patuloy nating pinapairal ang buong pwersa ng batas laban sa krimen, hindi rin tayo dapat mawalan ng respeto sa karapatang pantao ng bawat isa, lalo na sa due process at sa presumption of innocence,” ani Mayor Along.
Binigyang-diin din ng alkalde na ginagawa ng pamahalaang lungsod ang lahat ng makakaya upang matugunan ang krimen sa tunay na pinagmulan nito.
“Naniniwala po tayo na hindi magiging epektibo ang laban ng pamahalaang lungsod at ng CCPS sa krimen kung puro responsive at band-aid solution lang ang ating polisiyang ipatutupad, kaya mas tinututukan natin ang pagtugon sa tunay na sanhi ng krimen kagaya ng kahirapan, diskriminasyon, pang-aabuso, at kawalan ng maayos na edukasyon,” sabi niya. (Richard Mesa)