Kelot, pinagsasaksak ng dating lover ng kanyang live-in partner, tigok
- Published on March 25, 2026
- by @peoplesbalita
NASAWI ang 22-anyos na kelot nang pagsasaksakin ng dating ka-relasyon ng kanyang live-in partner dahil umano sa selos sa Caloocan City.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa pinagdalhang ospital ang biktimang si alyas “Mandac” sanhi ng mga tinamong saksak sa dibdib, leeg, at likod, habang tumakas naman ang suspek na si alyas “Bay” makaraan ang ginawang pananaksak.
Ayon kay P/Maj Valmark Funelas, hepe ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Caloocan police, sinampahan na nila ng kasong homicide ang suspek na dating ka-relasyon ng live-in partner ng biktima.
Hihintayin na lamang aniya nila ang paglalabas ng warrant of arrest ng hukuman laban sa suspek bago nila isagawang muli ang pagtugis sa kanya.
Sa kanyang ulat kay Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth, sinabi ni Maj. Funelas na nagkaroon muna ng komprontasyon sa pagitan ng suspek at biktima noong umaga ng Marso 11 sa Barangay 176-E, Bagong Silang, hanggang bumunot ng patalim ang salarin at inundayan ng mga saksak ang nakaalitan.
Sinabi ni Maj. Funelas na nakausap pa ng kanyang mga imbestigador ang biktima sa pinagdalhang pagamutan at naisiwalat ang pangalan ng sumaksak sa kanya kaya kaagad silang nagsagawa ng pagtugis subalit, bigo silang madakip ang salarin. (Richard Mesa)