• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Rider, itinumba ng riding-in-tandem sa Caloocan

TUMIMBUWANG ang duguang katawan ng 28-anyos na rider nang ratratin ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo sa Caloocan City, Lunes ng gabi.

Dead-on-arrival sa Caloocan City Medical Center ang biktimang si alyas “John”, residente ng Libis Talisay, Brgy. 12, sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa ulat nina Police Investigators P/MSg, Marvin Doctor at P/Cpl. Aniceto Cabreros kay Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth, sakay ng kanyang NMAX na motorsiklo ang biktima habang tinatahak ang kahabaan ng 10th Avenue, subalit pagsapit sa tapat ng Judicial Complex dakong alas-10 ng gabi ay pinagbabaril ito ng mga suspek.

Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksyon habang isinugod naman ang biktima sa nasabing pagamutan subalit, hindi na rin umabot ng buhay.

Kaagad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ni P/Capt. Franky Leonardo Jr. hepe ng Caloocan Police Sub-Station 3 subalit, nabigo sila na maaresto ang mga suspek.

Nakuha ng pulisya sa lugar ng pinangyarihan ng krimen ang anim na basyo ng bala ng kalibre .45 baril, isang tingga at isang metallic fragment na isasailalim sa ballistic examination ng NPD Forensic Unit.

Base sa pahayag sa pulisya ng live-in partner ng biktima na si alyas “Dianne”, ilang araw bago ang pamamaslang ay pinagbantaan ng isang alyas “Maton”, residente ng Heroes del 96, Brgy. 73, ang biktima matapos pagbintangan na may kagagawan sa pagkaka-aresto sa isang alyas “Jefrey” na may kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.
(Richard Mesa)