• April 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Tigil pasada kasado sa Marso 26-27

ILANG transport group ang nakatakdang ­magdaos ng dalawang araw na transport strike sa Marso 26-27 upang iprotesta ang labis na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.

Sinabi ni Piston national president Mody Floranda na kabilang sa mga lalahok sa naturang kilos-pasada ay mga public utility jeepneys (PUJ) at buses (PUB), utility vehicle express (UVE), transportation network vehicle services (TNVS), motorcycle taxis (MC), at iba pa.

“Napagkaisahan po ng alyansa ay ilulunsad po natin at dinedeklara po namin ngayon araw kasama ang iba’t ibang sektor na may magaganap na transport strike sa buong bansa,” ayon kay Floranda.
“Magmumula po yan ng March 26 hanggang 27,” aniya pa.

Kabilang umano sa ipapanawagan nila ay mas mababang presyo ng langis, pagtatanggal ng excise tax at ng Oil Deregulation law.

Tatapusin umano nila ang kilos-protesta sa pamamagitan ng pagmamartsa mula sa Welcome Rotonda, Quezon City patungo sa Mendiola sa Maynila sa Marso 27.

Ayon naman kay Mar Valbuena ng grupong Manibela, makikilahok sila sa naturang dalawang araw na tigil-pasada bunsod na rin ng kakulangan ng pamahalaan ng tugon sa lumalalang kalagayan nilang mga tsuper at ope­rators.
Bagama’t Huwebes at Biyernes pa aniya ang rally, maaaring tumigil na silang mamasada sa Miyerkules pa lamang.
Sa pagtaya ni Valbuena, maaaring umabot sa 500,000 PUV drivers ang lalahok sa nationwide strike.