• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Bandang Tamad si Juan, wagi sa Red Horse Beer Pambansang Muziklaban

NAKAMIT ng bandang Tamad si Juan mula sa Davao City ang trono ng Pinoy Rock sa naganap na Red Horse Beer Pambansang Muziklaban Grand Finals sa Filinvest City Events Grounds, Alabang, Muntinlupa City.

Nag-uwi ang bandang Tamad si Juan ng cash prize na Php1 million kasama ang title na 2025 Red Horse Beer Pambansang Muziklaban Grand Champion.

Ito ay matapos magpasiklab sa entablado sina Marc Louis Vistal sa drums, Reg Twostone bilang vocals, Kram Noiz sa lead guitar, Shed Jabinez sa guitar, at Jepax Jaso sa bass.

“Despite the struggles and the challenges, somehow, we deserve this. Lahat ng kasama naming banda dito, they also deserve this pero blessed enough kami to win,” pahiyaw na sabi ni Vistal.

“We are grateful for what we achieved tonight. Ang layo ng pinanggalingan namin pero it was all worth it,” pahayag naman ni Jabinez.

Ibinida ng grupo na isang malaking pintuan ang Red Horse Beer Pambansang Muziklaban para sa mga musikero dahil marami silang pinagdaanan bago marating ang grand finals at isang daan para sa kanilang pangarap.

Nakalaban ng bandang Tamad si Juan ang VDS ng Quezon City, Baguio Gold Music ng Baguio City, Hilo ng Cabuyao, Laguna, at Themata mula sa Tacloban City.

Bumida at nagpasiklab rin sa entablado ng Pambansang Muziklaban Grand Finals ang mga bandang Greyhoundz, Wilabaliw, Urbandub, Kjwan, Razorback, Typecast, Chocolate Factory, Setsuna, at ang nakaraang Muziklaban champion, Mayonnaise.
(Richard Mesa)