NAIA-IADITG, NAHARANG ANG ₱102-M HALAGA NG SHABU SA NAIA TERMINAL 1, MALAYSIAN NATIONAL ARESTADO
- Published on March 24, 2026
- by @peoplesbalita
NAHARANG ng mga awtoridad mula sa NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), kasama ang mga ahensyang miyembro kabilang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bureau of Customs (BOC), Philippine National Police Aviation Security Group, Airport Police Department, Philippine National Police Drug Enforcement Group, National Bureau of Investigation at Bureau of Immigration, ang humigit-kumulang 15,000 gramo ng pinaghihinalaang methamphetamine hydrochloride na kilala sa tawag na shabu sa isang interdiction operation na isinagawa bandang 12:47 ng madaling araw noong Marso 20, 2026 sa Secondary Inspection Area, Customs International Arrival Area, NAIA Terminal 1, Pasay City.
Ang operasyon ay nagresulta sa pagkaaresto ng isang Malaysian national na kinilala sa alyas na “Fati,” 27 taong gulang, isang pasaherong mula sa Kuala Lumpur, Malaysia. Nadakip ang suspek matapos matuklasan ng mga awtoridad ang mga ilegal na droga na nakatago sa loob ng mga chopping board na gawa sa kahoy na nakapaloob sa dalawang kahon habang isinasagawa ang inspeksyon sa pasilidad ng paliparan.
Narekober mula sa kargamento ang ilang self-sealing transparent plastic bags na naglalaman ng humigit-kumulang 15 kilo ng pinaghihinalaang shabu na nakatago sa loob ng tatlumpung chopping board na gawa sa kahoy. Batay sa karaniwang presyo ng droga na itinakda ng mga awtoridad, ang mga nakumpiskang ilegal na droga ay tinatayang aabot sa halagang ₱102-M.
Nakumpiska rin sa operasyon ang pasaporte, identification card, boarding pass, cellular phone at iba pang personal na gamit ng suspek. Ang matagumpay na operasyon ng interdiction ay isinagawa ng mga operatiba ng NAIA-IADITG, sa tulong ng mga ahensyang miyembro nito na nakadestino sa paliparan.
Ang naarestong suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Section 4, Article II ng Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ng droga ay isusumite sa PDEA Laboratory Service para sa forensic examination, habang ang suspek ay sasailalim sa inquest proceedings. (PAUL JOHN REYES)