• April 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Manibela, maglulunsad ng nationwide transport strike

INANUNSYO ng transport group Manibela na magsasagawa sila, kasama ang iba pang transport organizations, ng nationwide strike mula Marso 26 hanggang 27 bilang protesta sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo, na iniuugnay sa umiigting na tensyon at digmaan sa Middle East.

Ayon sa Manibela, naging mabigat ang pasanin ng mga tsuper at operator dahil sa sunud-sunod na oil price hike.

Nanawagan ang grupo kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pansamantalang suspindihin ang excise tax sa langis, na anila’y nagpapalala sa problema ng sektor at ng mga ordinaryong commuters.

Noong nakaraang linggo, sinuspinde ni Marcos ang nakaplanong taas-pamahasahe. Nangako rin naman ang pamahalaan ng tulong para sa mga drivers at operators.

Sinabi ng Malacañang na hindi dapat dagdagan ang pasanin ng mga commuters, habang inaalam pa ang mga paraan upang suportahan ang sektor.

Humihiling ang Manibela ng konkretong aksyon — higit pa sa suspensiyon ng fare increase — para matugunan ang patuloy na pagtaas ng gastusin sa operasyon ng mga jeepney at iba pang pampublikong sasakyan.

Iginiit nila na ang pag-alis o pagbabawas ng excise tax sa diesel at gasolina ang pinakamabisang paraan para maibsan ang pasanin ng transport sector.