ALCANTARA AT SANTOS, TINANGGAL BILANG MGA RESPONDENT
- Published on March 23, 2026
- by @peoplesbalita
TINANGGAL bilang mga respondent sa mga kaso kaugnay ng maanomalyang flood control projects sa Bulacan sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) district engineer Henry Alcantara at contractor Sally Santos dahil sa pagiging state witness, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Ayon kay Justice Spokesperson Polo Martinez, tinanggal sina Alcantara at Santos bilang mga respondent sa tatlong kaso ng malversation at graft na isinampa sa isang korte sa Bulacan kaugnay ng flood control projects na kinasasangkutan ng SYMS Construction.
Dagdag pa ni Martinez, tinanggal bilang respondent si Alcantara at hindi isinama sa information na isinampa sa korte dahil sa kanyang pag-amin bilang state witness sa ilalim ng WPP.
Ang dalawa ay itinakdang state witnesses noong Enero, kasama sina dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo at dating DPWH regional director Gerard Opulencia.
Ipinaliwanag ni Justice Secretary Fredderick Vida na ang pagiging state witness ay nangangahulugang pagkalas sa pananagutang kriminal.
Samantala, sinabi ni Martinez na ang mga kinasuhan ay sina dating DPWH assistant engineers Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, at ilan pang iba.
Isinampa ang mga kaso noong Enero 30, Pebrero 9, at Pebrero 13 sa korte sa Bulacan, ngunit kalaunan ay inilipat sa isang korte sa Quezon City na itinalaga bilang espesyal na korte para sa mga kaso ng katiwalian.
Dagdag ni Martinez, ang mga respondent sa mga kaso ay na-arraign noong unang linggo ng Marso at ang pre-trial hearing para sa dalawang kaso ay nakatakda sa Abril 13 sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 79.
Kasalukuyang namang nakadetine sina Hernandez at Mendoza sa New Quezon City Jail kasama ang iba pang respondent sa flood control anomaly. (Gene Adsuara)