• March 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DBM kinalampag sa pagkaka-delay sa pondo

KINALAMPAG ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang Department of Budget and Management (DBM) sa pagkaka-delay sa pagpapalabas ng pondo kasabay nang bababala na ang mabagal na disbursement ay nangangahulugan nang mabagal na pagbibigay serbisyo sa mga Pilipino.

Sa kanyang closing speech sa adjourned ng Kamara para sa selebrasyon ng Mahal na Araw, hinikayat ni Dy ang DBM na agad kumilos at siguruhin ang agarang pagpapatupad ng mga government programs.

“Kaya naman po sa mga kaibigan natin sa DBM, ayusin ninyo naman ang inyong trabaho. Bilis-bilisan ninyo naman ang inyong mga pagkilos. Gawin ninyo naman ang inyong mga tungkulin para maging maayos at maipatupad na ang mga programang sasagot sa kasalukuyang pangangailangan ng ating mga kababayan sa iba’t ibang mga rehiyon,” anang speaker.

Nagbabala pa ang speaker na ang mga delay na ito ay nakaka-epekto sa publiko lalo na yaong naghihintay ng government assistance.

“Huwag ninyong sayangin ang oras at huwag na huwag nating paghintayin ang taumbayan. ‘Ika nga, aanhin mo pa ang damo kung patay na ang kabayo? Ang serbisyo ay may halaga at mararamdaman lamang kung ito’y naipararating sa tamang oras,” aniya.

Nagawa na aniya ng kongreso ang parte nito sa pamamagitan ng pagpasa ng mga batas at paglalaan ng alokasyon ng pondo para sa priority programs.

Iginiit naman nito na walang kabuluhan ang lehislasyon at pondo kung wala ang napapanahong implementasyon.

“Ngunit upang maging ganap na epektibo ang mga hangaring ito, kinakailangan nating tiyakin na ang mga pondong inilaan ng Kongreso ay makarating sa mga mamamayan nang maagap. Dahil ang batas na hindi naipapatupad ay nananatiling isang papel na walang halaga at ang serbisyo na hindi nakakarating sa tao ay huwad na paglilingkod,. Kahit po maganda ang naipasang budget, it will mean nothing if the resources for the people do not reach them on time,” dagdag nito.
(Vina de Guzman)