• March 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Papayag si Onemig sa ano mang nanaisin ng girlfriend… AIKO, mas gusto ang isang solemn na Christian wedding

TINANONG namin si Aiko Melendez kung ano ang dream wedding niya.
Sagot ng actress/politician, “Simple lang pero gusto ko solemn siya and parang ano mas gusto ko, kasi Christian wedding ang gagawin ko, di ba, so iyon.
“Invited ko lang kung sino yung parte ng journey namin.”
Beach o garden wedding?
“Beach or garden would do.”
Going strong ang relasyon nina Aiko at Onemig Bondoc kaya tinanong rin namin si Onemig ng same question.
“Well basta gusto ko lang makasama si Aiko, iyon lang, iyon lang ang dream wedding ko, wala ng iba, kahit ano’ng wedding basta siya yung kasama ko.
“Kahit saan pa iyan, kahit sa garden, kahit sa city hall, kahit saan,” ang nakakakilig na sagot sa amin ni Onemig.
Sa recent vlog nila ay tinanong si Onemig kung handa na siyang pakasalan si Aiko at sumagot siya na oo, handa siya.
Proposal na ba iyon?
“Hindi pa naman, we’re taking it slowly,” pakli ni Onemig.
“Praying na hopefully makarating doon. Road to forever.”
Handa na ba si Aiko?
“I feel in my heart na he is my end game.
“Lahat nasasabi ko sa kanya na walang filter, hindi ako natatakot na ma-judge, hindi de-numero ang kilos ko, na kailangan ganito ako in public.
“Kung sino ako tanggap niya ako,” lahad ni Aiko.
***
PATULOY ang pagbibigay ng karangalan sa Pilipinas at pagpapakilala ng kanyang kuwento sa international stage ng Filipino journalist at documentary filmmaker na si Editha Caduaya.
Pinarangalan ang kanyang documentary film na Sa Likod ng Tsapa (Beneath The Badge: The Story of Police Colonel Hansel M. Marantan) bilang Outstanding Excellence Award sa Documentaries Without Borders International Film Festival nito lamang March 15, 2026.

Ang nabanggit na pagkilala ay karagdagang parangal sa pelikula na patuloy na hinahangaan sa iba’t-ibang bansa.

Bukod dito, nitong January 18, 2026 ay pinarangalan ang Sa Likod Ng Tsapa/Beneath the Badge ng Special Mention Award sa Dhaka International Film Festival, isa sa mga tinitingalang platforms para sa global cinema. Ang naturang dokumentaryo ay tungkol sa tagos sa puso at makatotohanang kuwento ni Hansel M. Marantan, isang Philippine National Police officer na ang buhay at karera ay hinubog ng kontrobersiya, sakripisyo, tibay ng loob at pagpapakita ng katotohanan.

Sa pamamagitan ng mga panayam, archival footage, at naratibong paglalahad, ibinahagi ng pelikula ang emosyunal at moral na kabuuuan ng pagiging isang alagad ng batas bilang pagpapakita, sa bihirang pagkakataon, ng personal na laban sa likod ng tsapa.

Para kay Ms. Caduaya, ang pagkilala ay hindi lamang tagumpay sa kanyang pagiging isang direktor at manunulat kundi isa ring pagpupugay sa mga nakatagong kuwento sa likod ng serbisyo ng mga alagad ng batas at sa mga kababaihang filmmakers sa bawat rehiyon sa bansa.

Ayon sa kanya, “This documentary was created to show the human side of those who dedicate their lives to public service.

“Behind every badge is a story of sacrifice, pain, courage, and hope. These awards remind us that these stories deserve to be heard.”

Si Caduaya, isang journalist na may mahigit dalawang dekada ng karanasan sa pagbabalita ng pamamahala, pakikibaka at social issues sa Mindanao ay pumasok sa mundo ng dokumetaryo upang mailahad ang mas malalim na kuwento ng mga nilalang na minsan ay hindi nakikita sa mga headlines.

“There were moments when telling this story was emotionally heavy,” pahayag ni Caduaya, “But I believed the world needed to see the person behind the uniform—the man who endured trials and accusations yet continued to serve his country.”

Ang Documentaries Without Borders International Film Festival ay nagbibigay-halaga sa mga tunay na kuwento mula sa iba’t-ibang sulok ng mundo na tumatalakay sa katotohanan at karanasan ng bawat tao, tulad ng Sa Likod Ng Tsapa/Beneath the Badge, na nagwagi dahil sa makabuluhan at masusing paglalahad nito.

Ayon pa rin kay Caduaya, “This award is not just for the film, it is for every officer who continues to serve despite hardship, for every family who stands behind them, and for every storyteller who believes that truth and humanity matter.”

Sa patuloy na pagkilala sa international platforms, inaasahan na ang Sa Likod Ng Tsapa/Beneath the Badge ay aabot pa sa mas malawak na manonood sa pamamagitan ng mga screening at mga kaganapang pangkultura na magdadala ng mga kuwentong Pilipino ng serbisyo, tibay ng pagkatao at hustisya sa buong mundo.

(ROMMEL L. GONZALES)