• March 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Barangay kagawad, pinagsasaksak ng selosong waiter, dedo

HUMANDUSAY ang duguang katawan ng 60-anyos na kagawad ng barangay nang pagsasaksakin ng selosong waiter sa loob ng isang bar sa Caloocan City, Martes ng umaga.
Nalagutan ng hininga habang ginagamot sa Manila Central University (MCU) Hospital ang biktimang si alyas “Nestor”, residente ng 10th Avenue, Brgy. 64 at kagawad sa kanilang lugar sanhi ng tinamong mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Patuloy namang tinutugis ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth ang suspek na si alyas “Argie”, 32, waiter, ng isang KTV bar at residente ng Brgy. Potrero, Malabon City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Col. Goforth na nadatnan ng suspek ang 29-anyos niyang live-in partner na si alyas “Lyn”, waitress sa Scarlet Disco Bar sa MacArthur Highway, Brgy. 78, habang naka-table sa biktima dakong alas-5:30 ng umaga.

Dahil umano sa selos, sinapak ng suspek sa mata ang kanyang live-in partner bago bumunot ng patalim at inundayan ng sunod sunod na saksak sa katawan ang biktima.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon habang isinugod naman ang biktima sa nasabing pagamutan.

Nakuha ng mga nagrespondeng tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 3 sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang patalim na ginamit ng suspek sa pananaksa.
(Richard Mesa)