• March 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mabilisang koordinasyon ikinasa upang tugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis

NAKATUON ang Malakanyang sa mabilis na pagtugon sa mga pangangailangan ng mamamayan, lalo na’t tumataas ang presyo ng langis dahil sa kaguluhan sa Middle East.
At upang matiyak na maibsan ang bigat na dulot nito, pinulong ni Executive Secretary Ralph G. Recto ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan noong Marso 16, 2026 upang pag-planuhan ang mga hakbang na susuporta sa mga pinakaapektadong pagtaas ng presyo ng langis. Kasama rito ang mga driver, commuter, manggagawa, estudyante, magsasaka, mangingisda, at mga pamilyang Pilipino.
Sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., inatasan ni Recto ang Department of Budget and Management na agad na ilabas ang pondo para sa financial assistance sa transport drivers sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations program ng Department of Social Welfare and Development.
Kasabay nito, inatasan din ang Department of Transportation na pabilisin at palawakin ang mga relief measure tulad ng Libreng Sakay program upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng krudo sa mga commuter at iba pang apektadong pasahero.
Isinusulong din ang iba pang hakbang tulad ng pagbibigay ng toll fee discounts para sa mga public utility vehicle at pagbabawas sa piling aviation charges para makatulong sa pagpapababa ng gastusin at posibleng pamasahe sa eroplano.
Samantala, pinakikilos ang Department of Agriculture upang mapanatiling matatag ang presyo ng mga pagkain at masigurong sapat ang suplay nito, lalo na ng bigas, habang pinalalawak ang suporta para sa mga magsasaka.
Kasama sa pagpupulong sina DSWD Secretary Rex Gatchalian, DOTr Secretary Giovanni Lopez, DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., at DBM Secretary Rolando Toledo.
( Daris Jose)