Sinuspinde muna ni PBBM: Fare hike na ikakasa, naudlot
- Published on March 19, 2026
- by @peoplesbalita
SINUSPINDE ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang nakatakda sanang ikasa ngayong Huwebes, Marso 19 na taas pasahe sa mga pampasaherong sasakyan matapos aprubahan ng Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB), kamakalawa.
Sa isang video message, sinabi ni Pangulong Marcos na hindi napapanahon ang magtaas ng pamasahe para sa mga mamamayan.
“Magandang araw po sa ating mga minamahal na kababayan. Alam niyo po paggising ko kaninang umaga nakita ko ‘yung mga headline at ang pinag-uusapan ay yung naaprubahang fare hike para sa ating mga nagpapasada. Sa aking palagay dahil nga eh may problema pa rin tayo dahil sa giyera sa Middle East ay sabi ko siguro hindi ito ang panahon para magtaas ng pamasahe para sa ating mga kababayan,” ayon kay Pangulong Marcos.
“Kaya’t inutos ko sa Department of Transportation (DOTr) na suspendihin muna ang fare hike at i-defer muna natin yan. I-postponan muna natin ‘yan dahil eh nasa gitna ngayon tayo nitong ah sitwasyon na ito na kailangan ay patuloy ang ating pag-alalay sa ating mga ah commuter, sa lahat ng mga ating manggagawa kung estudyante lahat ng gumagamit ng ating transport system,” aniya pa rin.
Magkagayon man, hindi dapat mag-alala ang mga transport workers dahil mamadaliin naman nial at dadagdagan ang suporta para sa mga ito para naman hindi aniya masyadong mahirapan ang mga ito.
“Ang DOTR ang inutusan ko na ah sisimulan na ang libreng sakay sa buong Pilipinas at ah pwede na pwede po ninyong gamitin muna yan para pangbawas gastos sa pang-araw-araw,” aniya pa rin.
Winika pa ng Pangulo na sa MRT at LRT ay magpapatupad ng diskwento sa pamasahe.
“Bukod pa doon sa mga toll road ay meron din tayong inutos na diskwento para mas maliit na ngayon ang bayad ng taong bayan sa paggamit ng mga toll road,” ang sinabi ng Pangulo.
“Kahit na may malaking gulo na nangyayari ay basta’t kaunti lang ang mararamdaman o sana man kung kaya naming gawin sana walang mararamdaman ng ating taong bayan sa kanilang araw-araw na pagtrabaho sa ating mga estudyante na araw-araw pumapasok alalahan po ninyo na ang inyong pamahalaan ay laging nandito,” dagdag na pahayag ng Pangulo.
Binigyang diin ng Pangulo na lagi silang nag-iisip ng panibagong paraan upang matiyak na ang inyong pamumuhay ay normal, maayos at ligtas.
Nauna rito, sinabi ni LTFRB chairman Vigor Mendoza na epektibo sa araw ng Huwebes, Marso 19 tataas ng piso ang pamasahe sa traditional jeepneys. Ang kasalukuyang P13 minimum fare ay magiging P14 na. May dagdag 20 sentimo naman sa kada susunod na kilometro.
Samantala, nasa P2 ang itataas sa minimum na pasahe sa modern jeepneys o mula sa P15, magiging P17 at 10 sentimo sa kada susunod na kilometro.
Para sa airport taxis, inaprubahan din ng LTFRB ang P40 increase sa flag-down rate. Mula sa P75, magiging P115. Wala namang pagtataas sa susunod na 300 meters at two-minute waiting time charge.
Para sa Transport Network Vehicle Services (TNVS), inaprubahan ang P20 increase at P15 pick-up fare per kilometer. Dahil dito, ang base fare sa TNVS sedan ay magiging P65 mula P45; P75 mula sa dating P55 sa AUVs; P55 sa dating P35 na hatchback at P165 mula P145 sa premium TNVS. Wala namang increase sa per kilometer at per minute travel time sa TNVS.
Inanunsyo rin ni Mendoza ang P2 increase sa minimum fare sa Metro Manila at city ordinary buses. Mula P13, magiging P15 ang unang five kilometers, at .24 sentimo sa mga susunod na kilometro.
Sa aircon buses sa MM at city operations, P3 ang increase o mula P15 ay magiging P18 sa unang five kilometer at 33 centavos increase sa kada susunod na kilometro.
Para sa ordinary buses na may provincial operations, P1 sa unang five kilometers at 30 sentimo sa kada susunod na kilometro.
Para sa ordinary taxis at UV Express, sinabi ni Mendoza na inaaral pa ang kanilang apela dahil kahahain lamang ng petisyon. ( Daris Jose)